[go: up one dir, main page]

I don’t want to be your boyfriend

Ayaw na kitang maging boyfriend.
Pareho tayong hindi pa handa, hindi pa sawa.
Minsan naaalala ko kung bakit naghiwalay tayo
At naiiisip ko ang mga dahilan kung bakit ayoko na sa’yo.
Gusto ko munang maging malaya.
Enjoy-in lang natin kung anong meron tayo.
Kikitain kita kung feel ko.
Kakain tayo kapag gusto natin pareho.
Manood tayo ng concert kapag pareho nating paborito.
Sasama ako sa reunion ng mga kaibigan mo.
Sasamahan kita sa dentist para sa iyong root canal.
Tatabihan kita sa pagtulog.
Yayakapin kita.
Hahalikan kita.
Sana lang sa huli,
wala sa atin ang masaktan
kasi matapos ang lahat
hindi pa rin tayo.

Tayong Dalawa

Sa relasyong ito
Mas simple sana kung ang mga kasali lang ay ikaw at ako
Pero ang katotohanan,
hindi lang ‘to tayong dalawa.
Kasama natin ang tatay mong nagiging madaldal
para patayin ang dead air noong nakasakay sila sa kotse ko.
Ang nanay mong tumatahimik kapag ako na ang paksa.
Ang antipatiko mong ex na nag-two time sa’yo.
Ang mga boys na mineet mo noong naging single ka uli.
Ang mga dinate mo noong kabataan mo.
Ang lahat ng lalakeng nakilala mo sa G4M at Grindr.
Ang mga in-add ka at nilandi mo sa FB.
(nakakalungkot na kinahiligan kong i-view ang mga profile page nila)
Ang mga kaibigan mo noong elementary, high school at college.
Ang iyong mga kaibigan na katulad mo rin.
Sana sa loob ng ating relasyon,
ang mga kasali lang ay ikaw at ako.
Pero hindi.

Rebecca

Hindi ko inakalang darating tayo dito,
na kailangan kong magpaalam sa’yo.
Matagal-tagal na rin ang ating pinagsamahan.
Mas mahaba pa kesa dito sa relasyong kakatapos lang.

Tandang-tanda ko pa ang una nating pagkikita.
Naaalala ko pa ang nakakaadik na amoy mo.
Lagi akong kabado kapag kasama kita,
bago pa kasi ako sa iyong mundo.
Kung kelan akalang smooth sailing,
bigla tayong hihinto (hirap sa timing sa clutch).

Marami-rami na rin ang narating natin.
ABS-CBN
MOA
Trinoma
SM North
Megamall
Robinson’s Galeria and Manila
Market Market
The Fort
Bahay ng mga kaibigan
Mga lugar na “ahem”
Subic
Tagaytay
Batangas
Cavite
Alabang (oo, ganun kalayo para sakin ‘to)

Ilang red lights na rin ang nilampasan natin.
Mga inakyat na matatarik na bundok.
Ang ‘di mabilang na beses na nahuli.
Ang bukod-tanging sandaling nag-skid tayo sa Subic.
O nung hinabol ako ng pulis sa Makati
(pakiramdam ko’y bida ako sa The Fast & The Furious).

Gusto kong magpasalamat sa’yo.
Ikaw na kasama ko halos araw-araw.
Sa pagpasok sa trabaho,
sa pagsugod sa mga sale,
sa pagsundo’t paghatid ng mga taong malapit sakin.
Salamat sa iyong pasensya at pag-unawa.
Sana naging mabait akong driver sa’yo.
Pasensya na sa mga gasgas
at sa pulang pinturang tumulo sa ulo mo.

Ikaw ang tumulong sa akin para makalimot
noong na-basted ako for the first time.
Ngayon, nagpapaalam ako sa’yo
kasabay ng ibang bagay sa aking buhay
para makapagsimula ako muli.
Magkakalayo man tayo, Rebecca,
pero pinapangako kong hinding-hindi kita makakalimutan
kasi iba pa rin ang una.

Cheezy


Ikaw ang angkla ng buhay ko –
kahit saan man ako dalhin ng mga alon
babalik at babalik din ako sa’yo.

Pagbabago

Maiksi ang pasensya ko
pero hihintayin kita kahit matagal
(at sana mahintay mo rin ako).
Mabilis uminit ang ulo ko
pero pramis,
magiging cool na ako pagdating sa’yo.
Oo na,
hindi ako sweet
pero susubukan ko talaga nang paulit-ulit.
Ako ang hari ng seloso
pero magbabago ako.
Gusto ko na lang maging king
ng labing-labing.
Makalimutin na ako
kaya araw-araw kong ipapaalala sa sarili ko
kung gaano ako kaswerte na andito ka sa buhay ko.

Ex

Ang sarap makatabi ka sa pagtulog
kahit gising ako
at naunang makatulog ang braso kong dinaganan ng ulo mo.
Ang sarap mong kayakap habang inaamoy ko ang latak ng pabango mo
(Polo 1, 2, 3 or 4 ba ang gamit mo?)
Ang sarap pala dito sa dating pwesto ko –
sa kalahati ng maliit mong kama,
nagsisiksikantayoparauminitangatingmgakatawanhabangangairconaynakatodo.
Ang sarap palang maging boyfriend mo,
ang maranasan ang ibang klaseng pagmamahal mo.
Mas naramdaman ko siya ngayong ex mo na ako.

Mini Me


Kami ni mini me
parehong may lakad na kakaiba.
Parehong napapasayaw kay Madonna.
Parehong mahilig magluto-luto.
Parehong mas malaki ang ulo.
Parehong taon ng aso.
Parehong panganay.
Parehong mas malapit sa nanay.
Kami ni mini me,
nagkasama tayong tatlo dati.
Ngayong hindi ka na niya maalala.
Ako, siguro makakalimutan din kita.

One and Only

Nadudurog talaga ang puso ko
na hindi ka na parte ng buhay ko ngayon.
Hindi na tayo sabay pumapasok ng office
pero gamit ko pa rin ang blue na backpack na bigay mo.
Hindi na tayo pumupunta sa Trinoma para manood ng sine
kaya laking gulat ko na may nagbago na pala sa entrance ng parking.
Hindi na kita kasama maglaro ng badminton
pero pinapang-jogging ko pa rin ang neon yellow na rubber shoes na regalo mo.
Suot ng pamangkin ko ang bigay mo na Gap na t-shirt
pero hindi ka na niya naaalala.
Sabi mo magkakaroon ka na ng bagong pamangkin,
masaya na ako sa aking one and only
kasi di ko sure kung kaya ko pang magmahal ng isa pa.

Goodnight

Kapag kulang ako sa tulog,
mas nagiging sensitive ako.
Na-mi-miss ulit kita
para akong back to zero.

Gusto kitang tawagan
para tanungin kung kelan mo ba ako babalikan.
Sinasabi ko sa iba na naka-move on na ako
pero ang totoo, hinihintay pa rin kita.
Kaya ihihiga ko na ito
at baka kung saan pa ito mapunta.

9

Ikaw.
Oo, ikaw.
Bakit ba kasi ikaw pa?
Hindi ka naman pwede.
Hindi rin ako sigurado.
Next time na lang ‘pag nag-abot
ang mga schedule natin.
Libre ka na, malaya din ako.
Kapag nagbago na isip mo.
Kahit walang patutunguhan
ok lang
kasi ako’y masaya na
makita lang kita.

Design a site like this with WordPress.com
Get started